The Way You Look At Me
“A prophet is not without honor except in his native place and among his own kin
and in his own house”. – Mark 6:4
Hello mga kablogs! Narito na naman tayo para sa another blog week. Naisip ko lang ibigay yung title na The Way You Look At Me dahil naalala ko yung paboritong singer ng kaibigan ko na si Christian Bautista. Pero yung blog natin ngayon, hindi sya tungkol sa kanta. Isheshare ko lang yung magandang homily sa mass na naattendan ko sa pamamagitan ng pagpapalawak ng song title na yun.
Sabi kasi ni Fr., simple lang daw ang pagiging propeta (tagapagpahayag ng Mabuting Balita ng Panginoon). Hindi naman kailangan ng degree, kung anong trabaho mo, anong estado ng buhay, o kung anuman. Ang kailangan lang daw ay ang iyong sarili. Sarili na may pananalig, na tayo ay imahe ng Panginoon, na tayo ay tagapagpahayag lang ng gusto Nyang sabihin sa mga taong hindi naniniwala sa Kanya, sa mga taong may matitigas na puso, sa mga taong nasusukluban ng galit, o kahit na ano pang masasamang elemento.
Alam ng Diyos na karamihan sa atin ay walang lakas ng loob para maging isang propeta. Dahil Sya mismo ay nakaranas na maging sa sariling lugar, nayon o pinagmulan lamang, ay hindi na sya matanggap ng Kanyang mga kasama. Sa lugar na pinagmulan at kinalakihan natin, madalas tayong natutuligsa, hindi pinaniniwalaan dahil sa alam nila ang ating pinagmulan. Pero hindi ba dapat na tayo ang unang makaalam, makakilala at maniwala sa ating mga sarili? Ang paraan ng pagiging isang propeta ay hindi dapat na The way you look at me o the way they look at us. Dapat THE WAY GOD LOOK AT ME. Kung nakikita tayo ng Panginoon na Kanyang katuwang sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita, simulan nating kilalanin ang ating sarili, at tanggapin ito para matutuhan tayong tanggapin ng ibang tao.
Hindi rin naman dapat na masyado nating itinataas ang ating mga sarili at ayaw na nating makinig sa gustong sabihin ni God sa pamamagitan ng pagpapadala Nya sa atin ng mga taong makakasama natin bilang instrumento. Dapat ay open pa rin tayo sa sinasabi ng iba dahil ang pakikinig at pagtanggap sa makabuluhang sinasabi ng iba ang syang daan para maging tunay na propeta. Kuwento ko rin yung sharing tungkol dito ha –
Minsan daw habang naglalakad si Hesus kasama ng 12 apostles, nagsabi ang mga ito na sila ay gutom na gutom na. Kaya naman sinabi ni Hesus, “Kumuha kayo ng bato.” Nang meron nang kanya-kanyang bato ang mga ito, dinasalan ito ni Hesus at naging tinapay. Ang 11 na apostles na kumuha ng malalaking bato ay nagkaroon ng malalaking tinapay. Ang isa naman na maliit lang ang kinuha ay maliit na tinapay lang ang natanggap. Nang nagpatuloy sila sa paglalakad, may nakita silang puno ng mansanas. Sinabi ulit ng mga alagad na nagugutom na naman sila. Kaya pinakuha ulit sila ni Hesus ng bato. Ang 11 ay kumuha ng maliliit na bato, samantalang ang isa ay kumuha naman ng napakalaking bato. Sinabi ni Hesus na ang mga bato nila ay ibato nila sa puno para makahulog ng mansanas. Nakakuha ang 11 na alagad, samantalang ang isa ay hindi na naman nakakuha dahil hindi nya maibato ang kinuha nyang malaking bato. Sabi nito, “Parang iniisahan na ako ni Hesus ha.” Nagpatuloy ulit sila sa paglalakad hanggang sa mapunta sila sa lakaran na puro sanga at nakatumbang mga puno. Kaya sinabi ng mga alagad kay Hesus, “Guro, paano po kami makakalakad kung ganito po ang daraanan?” Sinabi ni Hesus, kumuha kayo ng 2 bato na magkaparehas ang laki. Kumuha nga sila ng tigdadalawang bato, at ito’y ginawang sandalyas ni Hesus. Ang 11 na kumuha ng magkapares na bato ay nagkaroon ng pares ng sandalyas, samantalang ang isa ay kumuha ng 1 malaki at 1 maliit na bato kaya hindi rin magkapares ang sandalyas na nakuha nya. Sya ay si Judas. Sinabi sa kanya ni Hesus na buksan nya ang kanyang isipan sa mga bagay na nariyan na sa kanyang harapan. Wag nyang takpan ito ng kanyang pansariling kaisipan at hayaang mabalutan na lamang ito ng pagkamakasariling mga gawain.
Sa blog na ito, gusto ko lang iwan ang 3 lessons para sa atin, (1) isipin natin tayo ay mga imahe ng Panginoon, sa katawan natin makakapasok ang Holy Spirit, at manalig tayo na kasama natin palagi si God sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita; (2) tayong lahat ay tinatawag anuman ang estado natin sa buhay, gaano man kaliit ang misyon o kaya nating gawin para makapamahagi. Ang mahalaga ay matutuhan nating magbahagi ng biyaya ng Salita ng Diyos sa ating kapwa; at (3) maging bukas tayo palagi sa gusto Nyang maiparating sa pamamagitan ng ibang tao. Sa pamamagitan nila tayo makakapamahagi, sa pamamagitan din nila tayo matututong makapamahagi sa ating kapwa.
Isa itong napakahirap na task. Pero kung sisimulan natin sa maliiit na bagay, kapag pinagsama-sama, ito ay malaki na rin. At ang kahit na anong gawin natin para dito ay malaking malaki na sa paningin ng ating Panginoon. Tulad ko, yayain lang nating magsimba ang miyembro ng pamilya natin para makinig ng Salita ng Diyos ay isang paraan na. Ang paghihikayat sa kabataan na maging aware sa nangyayari sa simbahan ay isa rin. At talagang marami pang iba. Kaya, kung kaya ng iba, kayang kaya rin natin! At atin na itong simulan …. NGAYON.
Patuloy lang tayong magdasal para sa kaibigan kong si Carla ha. Na gabayan Sya palagi ni God at ituro na sa kanya ang magandang plano ni God. Ipagdasal din natin ang Kuya nya, ang ating mga pamilya at lahat ng may mga sakit.
God bless us all. J
Comments