Serbisyong Totoo
Serbisyong Totoo welcome back sharer... “But it shall not be so among you. Rather, whoever wishes to be great among you will be your servant; whoever wishes to be first among you will be the slave of all. For the Son of Man did not come to be served but to serve and to give his life as ransom for many.” – Mark 11:43-45
Hello sa inyo mga kablogs! Parang kay tagal kong nawala kasi parang namiss ko maghandog sa inyo ng aking mga thoughts at experiences na sana kahit papano ay kapulutan nyo ng kahit ano lang. Ayk.
Ang theme ng ating Gospel for this week ay tungkol sa service o paglilingkod. Sigurado na marami na sa atin ang tinawag para maglingkod. Kapag nababanggit ang service, naisip ko ngayon lang na kaakibat nito palagi ang ating kapwa. Ibig sabihin, hindi tayo makakapaglingkod kung wala tayong kapwa. Dahil sa kanila nakaugnay ang salitang ito, dahil sila ang ating pinaglilingkuran.
Katulad ng aking nabanggit, lahat tayo ay tinawag upang makapaglingkod. Siguro hindi lang natin ito napapansin dahil sa kabusyhan natin sa iba’t ibang mga gawain sa buhay natin. Ibibigay ko na lang na patunay ang nangyaring sakuna sa maraming lugar sa Pilipinas dahil sa pagdaan ng mga matitinding mga bagyo. Isa itong pagkakataon para sa maraming Pilipino na makapaglingkod. At totoo naman, marami ang naghatid at nagbigay ng kanilang serbisyong totoo. Ako, ikaw, sila, tayong lahat ay sa palagay ko, nakapaglingkod sa kapwa kahit na sa anong paraan.
Naramdaman ko talaga na sa oras ng pangangailangan, lumalabas ang tunay at likas nating paglilingkod sa kapwa. Walang mayaman, walang mahirap, walang mataas, walang mababa, walang nakahihigit at walang ring pinagimbutan. Tama lang ang sinasabi sa Gospel na ang sinumang makahihigit ay ang syang dapat na maging tagapaglingkod ng lahat. Dahil para sa aking pagkakaunawa, ang sinuman naghahangad na maging mataas, ay sya dapat munang nakakaalam ng mga pinagdadaanan ng mga taong kanyang pinaglilingkuran. Hindi nararapat iangat ang taong ayaw man lang madungisan ang kanilang mga palad para paglingkuran ang kapwa nya. Dahil ang pagiging dakila ay pagiging mapagkumbaba. Tulad ni Kristo nang ialay Nya ang Kanyang sarili para sa ating lahat.
Para sa akin, kung ako ang tinanong ni God kung kaya ko bang uminom sa basong ininuman Nya at mabinyagan gaya ng pagbibinyag sa Kanya, sa ngayon hindi pa ang maisasagot ko sa Kanya. Although, alam kong nakakatulong ako sa kapwa ko sa maliliit na paraan, hindi ko pa rin napapatunayan maging sa aking sarili na kaya ko nang ialay ang buhay ko sa mga taong tulad kong makasalanan katulad ng ginawa ni Hesus para sa ating lahat.
Gayunpaman, masasabi ko naman na kahit papaano, natutuwa naman siguro si God sa akin. Heheley. Kasi, pangarap ko rin yun na fully akong maging dedicated sa pagtulong sa kapwa, kaya naman nasisimulan ko na sya kahit papano kahit sa maliliit na paraan.
Ang hamon sa atin – wag tayong maghangad na maging mataas, dahil sa pagtulong natin sa kapwa natin sa kahit na maliit na paraan basta’t bukal sa ating kalooban ay kadakilaan na sa pinakadakila sa lahat na walang iba kundi ang ating Panginoon. At iyan ang Serbisyong Totoo.
Bowowow.
God bless us all always.
|
Comments