March 23, 5:38am
Gabi-gabi ng linggong ito palagi kong naiisip ang opening program ng 4S. Unti-unti ko nang dinadraft sa isip ko ang aking magiging speech. Ngayong March 24, 2010 nagising ako ng 4am at hindi na makatulog ulit kaya sabi ko time na para isulat ang mga nasa isip.
Unang-una sa lahat, gusto kong batiin ang lahat ng naririto. Gusto kong magpasalamat sa paglalaan ninyo ng oras para magkasama-sama tayong muli lalo na ngayong gabi ito na maituturing kong isa sa mga highlights ng aking buhay. Salamat sa inyong lahat na naging part ng aking buhay. Sa aking mga katrabaho, sa aking mga katropa from Letran College, ang aking mga co-squatters from Novaliches High School, ang aking mga kaklase at mga kaibigan mula sa Nagkaisang Nayon E/S, ang PYM, AG, pati na ang mga kapamilya nila, mga kababatang-kapitbahay na itinuring ko ng mga kapamilya, mga kamag-anak ko, at higit sa lahat ang aking pamilya lalo na ang aking Nanay.
Sino ba namang mag-aakala na ang isang mahiyaing Shiela ay nasa harapan ninyo ngayon, may hawak-hawak na microphone na akala mo'y isang pulitiko. Sa totoo lang kahit po ako ay nabibigla rin sa mga nangyayari. Mas lalo kong pinapaniwalaan ang kasabihan na kahit isang simpleng mamamayan ay hihipuin ni Lord para maging instrument ng pag-ibig niya. Share A Secret, Spread Success o 4S - iyan po ang dahilan ng lahat kung bakit naririto tayo sa lugar na ito bukod sa ating reunion. Ngayong gabi ay ang official na opening ng project na ito. Ito po ay organization na naglalayong makatulong sa mga kabataang gustong makapagtapos ng pag-aaral pero kapos sa pananalapi.
Sa bawat araw ng college days ko, unti-unting nabuo sa isip ko ang pangarap na ito. Halos araw-araw ay para kaming nagtetelegramahan ng nanay ko. Sa isang papel araw-araw kong sinusulat "Nanay, malapit na akong pumasok. Nasaan na po ang baon ko?" Ipapadala ko sa school sa isa sa mga pinsan ko at mga ilang minuto mayroon na akong baon galing sa bulsa ng iba't-ibang co-teachers ni nanay na nautangan niya. Sa panahon naman na nagkakasabay-sabay ang bayarin, kailangan pa niyang manghiram ng pera na may kataasan ang interest. Hindi pa niya sinasahod, nautang na niya kaya hindi ko alam kung paano niya kaming nabuhay at nabigyan ng magandang kinabukasan. Nakapag-aral din ako ng libre sa Letran dahil sa tulong ng ate ko.
Kaya sabi ko balang araw, magkakaroon ng isang Scholarship Foundation para mabawasan ang mga nanay na nangungutang. Magigigng daan din ang foundation na ito para matupad ng mga kabataan ang pangarap nilang makapagtapos ng pag-aaral. Sa obsevation ko, kapag hindi nakapagtapos ng pag-aaral ang panganay hindi na rin nakakapag-aral ang mga kasunod na kapatid samantalang kapag nakapagtapos ang panganay parang domino na nakakakapagtapos din hanggang sa bunso. Kung sisimulan nating taong ito sa isa o 2 kabataan naniniwala ako na sa tulong niyo madadagdan pa, after 4 years makakatulong na rin sila sa pamilya nila. Matutugunan nila ang kanilang mga pangangailangan dahil mas kikita sila ng malaki kaysa kung wala silang natapos.
Comments