Tanging Yaman
Anong unang pumapasok sa isip mo kapag narinig mo ang TANGING YAMAN?
Kanta. Pelikula. Para sa akin, ito ay DRAMA ng magkakapamilya. Nag-iyakan ang magkapatid o kaya ang mag-Nanay.
May isang tanging yaman experience ako na ibabahagi ko ngayong gabi. Ito’y nangyari noong 4th year college ako. Ang pangyayaring ito ang nagpabago ng aking paniniwala tungkol sa MEDALYA at DIPLOMA.
Bago ang Tanging Yaman experience na yan, ang mga pananaw ko ay:
- Anak ako ng teacher kaya dapat palagi akong nasa Top 10 at may medal tuwing Recognition Day
- Kailangang makagraduate rin ako kagaya ng Ate ko at makatanggap ng diploma sa PICC
- Ang mga medalya at diploma ang magpapasaya kina Nanay at Tatay. Nagiging proud sila sa akin kapag nag-uuwi ako ng medalya at diploma.
Para mas maintindihan niyong lalo ang ikukuwento ko, kailangan niyo munang malaman ang paraan kung paano kami pinalaki nina Nanay at Tatay, Sa bahay namin, “kapag estudyante ka, prinsesa ka.” Ibig sabihin hindi kami required maglinis ng bahay, maglaba o maghugas ng plato. Lumaki kaming may kasama sa bahay. At, nang sinapit namin ang economic crisis (wala nang pambayad sa kasambagay), si Nanay ang tumayong Lumen.
Si Nanay rin ang nagsilbing alarm clock naming magkakapatid. Gigisingin nya kami sa tuwing may pasok kami. Sinong ginigising pa ng mga Nanay dito? Sinong nag-aaral sa Maynila? Sa Maynila kapag 7:30am ang start ng class mo mo, ibig sabihin 5:30 pa lang dapat ay naglalakad ka na papuntang tricyclean. Tama?
7:30 ang klase ko at nagulat ako isang umaga nang makita ko ang wall clock naming at 6:30 na! Hindi ako ginising ni Nanay!! Dali-dali akong bumaba at si Nanay naglalaba na.
Ako: Nanay naman eh. Kabilin-bilinan ko sa inyo, gisingin niyo ako. Mahalaga tong klaseng to. Major to. Nakakainis.
Nanay: Grabe ka kung sagut-sagutin mo ako. Hindi ka pa nagbibigay ng pera sa akin ganyan mo na ako sagut-sagutin. Eh di paano pa kaya kapag kumikita ka na? Huwag na huwag mo akong bibigyan ng sahod mo. Hindi kita kailangan. Pagkagraduate mo magsarili ka na.
OK – that was 10 years ago. Ngayon, ewan ko lang kung masasabi niyang huwag na huwag mo akong bibigyan ng sahod mo. Hindi pa nga sahod, nag-aadvance na. (LAUGH)
Alam niyo kung anong nangyari pagkatapos nang TANGING YAMAN namin ni Nanay?
Nag-isip-isip ako… Pinairal ko ang aking pagiging Accountant at ina-annalyze ang buong pangyayari. Kaya ako nagsisikap mag-aral, kaya gustong-gusto kong magkaroon ng medalya, kaya gustong-gusto kong magkaroon ng diploma dahil gusto kong mapasaya si Nanay. Tapos, sasabihin niya ngayong hindi nya ako kailangan. Anong gagawin ko sa sahod ko eh sya lang naman talaga at ang pamilya ko ang pinag-uukulan ko ng awards na to?
I realized kung gaano ko sya nasasaktan the way I treat her. Astang prinsesa ako kasi nga estudyante. Dapat pala ay nagpapaka-anak ako at hindi nagpapakaprinsesa.
Unti-unti kong binago ang paniniwala ko. Hindi ang mga medalya at diploma ang lubos na makakapagpasaya kay Nanay kung hindi ako mismo. Akong anak na may pagmamahal, paggalang at pag-aaruga sa kanya.
Alam niyo bang sa tuwing uuwi ako dati from school/office, bumibili ako ng adobong mani sa kanto. Pasalubong ko un lagi kay Nanay, ibibigay ko sa kanya plus kiss sa chicks. Mas Masaya pa sa pakiramdam kaysa sa pakiramdam kapag umuuwi ako ng medalya.
At, inaral ko ring magtimpla ng masarap na kape at paminsan-minsan ako naman iyong nagtitimpla ng kape ni nanay at naghahanda ng pagkain niya.
Tatanungin ko kayong mga anak, anong hinahangad mong ibigay sa mga magulang mo para mapasaya sila? kagaya rin ba kitang inakalang kapag The Best ka sa school, nagiging happy ang mga magulang natin?
Kayo namang mga magulang, anong hinahangad niyo sa mga anak niyo – medalya at diploma o maging mabuting bata at lumaking mapagmahal?
Comments